Tanging ang national government lamang ang makakabili ng COVID-19 vaccine na mabibigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration.
Binigyang diin ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos maglunsad ang mga city government ng Maynila at Makati ng pre-registration sa kanilang sariling COVID-19 vaccination program kung saan tinitiyak pa ng Makati ang pagtuturok ng libreng bakuna sa mga residente nito.
Sinabi ni Vergeire na uubra pa lamang bumili ang national government ng bakuna na may EUA mula sa FDA at ang certificate of product registration mula sa ahensya ang magbibigay daan sa pagiging available ng produkto sa merkado.
Hindi pa aniya maibibigay ang CPR ng bakuna dahil technically ay hindi pa tapos ang clinical trials at nasa Phase 3 trials pa lamang bagama’t may exemption ngayon dahil sa public health emergency.
Ang National Immunization Program aniya ay nasa mandato ng DOH at kailangan nilang makipag ugnayan sa mga LGU kayat nakiusap ang opisyal sa koordinasyon ng local government para magtulungan sa pondo upang makabili ng epektibong bakuna.