Aprubado na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang National Identification System.
Sa botong 17 pabor at 2 tutol, pinagtibay ang Senate Bill no. 1738 na iniakda ni Senador Panfilo Lacson.
Sa ilalim ng naturang batas, pagsasama-samahin na sa iisang ID ang lahat ng mahahalagang impormasyon sa isang tao katulad ng full name, address, date and place of birth, sex, civil status, signature at recent photo.
Pang habambuhay na rin na tataglayin ng isang indibiduwal ang kaniyang ID number.
Dahil dito, inaasahang mas mapapabilis at mapapagaan ang mga transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno maging sa mga pribadong institusyon.
Bukod dito maaari din itong maging kasangkapan upang mas mabilis na masawata ang mga krimen sa bansa.
Nabatid na ang Philippine Statistics Authority ang siyang magiging tagapag-ingat ng mga impormasyon para sa National ID.