Lusot na sa House Committee on Population and Family Relations ang panukalang National ID system na naglalayong magkaroon na lamang ng iisang government ID ang bawat Pilipino.
Nakasaad sa panukala ang obligasyon ng mga Pilipinong nasa 18-taong gulang pataas na kumuha ng national ID na libreng ibibigay ng gobyerno sa unang pagkakataon subalit may bayad na kapag mapapa-reissue nito.
Batay pa nasabing panukala, ang PSA o Philippine Statistics Authority ang magiging repository o tagapangalaga ng lahat ng personal na datos para sa national ID at bawal itong ilabas ng walang permiso.
Makukulong ng hanggang dalawang (2) taon at magmumulta ng hanggang dalawandaang libong piso (P200,000) ang sinumang magbibigay ng maling impormasyon.
Ang panukalang national ID ay ididiretso na sa House Appropriations Committee para mapondohan bago iakyat sa plenaryo.
Samantala, pinalagan ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang panukalang national ID o identification card system.
Kasunod ito ng pagkakapasa ng naturang panukalang batas sa committee level ng Kamara.
Ayon kay Zarate, kung sakali ay maaari itong gamitin para lumabag sa right to privacy ng mga mamamayan.
Posible rin aniyang magamit sa iba ang mga impormasyon dahil isang American based firm ang humahawak ng Civil Registry Records ng Philippine Statistics Office.
Hindi rin tiwala rin si Zarate kung kakayanin ng gobyerno na maproseso at maprotektahan ang mga maseselang impormasyon.
By Judith Larino | Rianne Briones
National ID system lusot na sa committee level ng Kamara was last modified: May 11th, 2017 by DWIZ 882