Umalma si Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa naging pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na boluntaryo lamang ang pagkuha ng national I.D.
Ayon kay Barbers, nakababahala ito lalo’t posible aniya na malagay sa alanganin ang batas kung hindi naman nauunawaan ng mismong PSA ang nilalaman ng batas maging ng implementing rules and regulations (IRR) nito.
Malinaw aniyang nakasaad sa Section 9 ng nasabing batas na mandatory o obligado ang lahat ng mga Pilipino at resident alien na nasa bansa na may edad 18 pataas na magparehistro sa national I.D.
Pangunahing layunin ng Republic Act 11055 o Philippine Identification System kung saan, kabilang si Barbers sa mga pangunahing may-akda nito na iisang I.D. na lamang ang gamitin sa lahat ng transaksyong mapapampubliko man o pribado.