Hindi pahihintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng data breach sa pagpapatupad ng national ID system sa bansa.
Ito ang ginawang pagtitiyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos namang magpahayag ng pangamba ang ilang mga mambabatas sa posibilidad na mangyari sa national ID system ang sinabing data breach sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Panelo, wala nang atrasan ang pagpapatupad ng national ID system sa kabila ng kontrobersiya sa umano’y data breach sa pasaporte.
Sinabi ni Panelo, hindi dapat idikit sa national ID ang usapin lalo’t masyado pa naman aniyang maaga para sabihing nagkaroon nga ng data breach sa DFA dahil wala pang resulta ang mga isinasagawang imbestigasyon hinggil dito.
Samantala, iimbestigahan na rin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isyu ng umano’y passport data breach.
Ito ayon kay DICT Assistant Secretary Allan Cabanlong ay dahil saklaw ng labing dalawang critical information infrastructure o CII ng gobyerno ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Nangangahulugan ito aniyang malaki ang responsibilidad ng DFA para pangalagaan ang cyber security.
Batay sa datos ng DICT, lahat ng government office na kabilang sa CII ay nakasunod naman sa international standard.
Sa ngayon, sinabi ni Cabanlong na aalamin nila kung nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng DFA sa naturang usapin.
—-