Maituturing na mga bayani kaya’t maaaring tawaging National Heroes Day ang ikinakasang National Vaccine Day.
Ito ang inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa gitna ng isinusulong nilang National Vaccine Day sa November 29 hanggang December 1, na matataon sa araw ng bayaning si Andres Bonifacio sa November 30.
Layunin anya nitong ipahatid sa publiko ang mensahe na lahat ng magpapabakuna ay isang bayani at pataasin pa ang vaccination rate sa bansa lalo na sa mga lugar na mataas ang vaccine hesistancy.
Kabilang sa mga rehiyon na mababa ang vaccination rate ang BARMM, Bicol, Western Mindanao, SOCCSKSARGEN at MIMAROPA. —sa ulat ni Jenny Valencia-Burgos (Patrol 29), sa panulat ni Drew Nacino