Isinusulong sa Kamara ang pagpapatupad ng nationwide curfew para sa mga menor de edad sa buong bansa.
Layon ng House Bill 894 o Disciplinary Hours for Minors Act na akda ni Quezon 4th District Representative Helen Tan na magkaroon ng curfew upang mapanatili ang kaligtasan ng mga bata.
Naniniwala rin si Tan na sa pamamagitan ng naturang panukalang batas ay mailalayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo at krimen.
Sa ilalim ng naturang proposed bill, ipagbabawal na gumala, maglibot o manatili sa lansangan ang mga batang labing pitong (17) taong gulang pababa nang walang kasamang nakatatanda sa pagitan ng alas-10:00 gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Sa unang pagkakataon na mahuhuli ay sasailalim sa counselling ang bata at kanyang magulang o guardian habang sa ikalawang pagkakataon ay community service ang kakaharapin ng bata.
Ngunit sa ikatlong pagkakataon na mahuli ay maaaring pagmultahin o kaya naman ay ikulong na ang nagpabayang magulang.
By Rianne Briones
Nationwide curfew sa mga menor de edad isinusulong was last modified: May 31st, 2017 by DWIZ 882