Umarangkada na ang nationwide earthquake drill ngayong araw.
Ito ay kasunod ng serye ng mga lindol na tumama sa Japan at Ecuador na ikinasawi ng daan-daan katao.
Sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) lumabas ng kanilang mga tanggapan kaninang alas-8:30 ng umaga ang mga empleyado mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang pakikiisa sa naturang drill.
Ayon sa NDRRMC, layon nitong maihanda at mas maging pamilyar ang bawat Pilipino sa mga hakbang na dapat gawin tuwing mayroong kalamidad gaya ng lindol.
PNP
Kuntento ang Pambansang Pulisya, sa ginawang earthquake drill, kaninang umaga.
Ito ay sa kabila ng hindi pagseseryoso ng ilan sa naturang pagsasanay – katulad nalang ng hindi pag da – duck, cover and hold at ang paglalakad ng mas mabilis sa normal.
Nagmistulan namang naging makatotohanan ang rescue operations, makaraang mayroong mahilo at himatayin, dahil sa sobrang init.
MPD
Naging makatotohanan naman ang ginawang earthquake drill sa headquarters ng Manila Police District, kaninang umaga.
Ayon kay District Director Rolando Nana, importante ang ginawang pagsasanay, dahil ito ang magiging sandata ng bawat isa, sa oras ng kalamidad.
Sinabi ni Nana na isa sa mga pinakamahalagang natutunan sa isinagawang earthquake drill, ay ang kung papaano sasagip ng buhay.
By Ralph Obina | Jonathan Andal (Patrol 31) | Aya Yupangco (Patrol 5)