Muling umapela ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na lumahok at makiisa sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill bukas, Nobyembre a-11.
Sa hudyat ng virtual at ceremonial pressing of the button, sabay-sabay na magdaduck, cover, and hold ang lahat para panatilihin ang kamalayan sa mga dapat gawin sakaling magkaroon ng malakas na lindol tulad ng pinangangambahang “the Big One”.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, isasagawa ang virtual Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ganap na ika-walo ng umaga na pangungunahan ni Office of the Civil Defense Chairman at Defense Sec. Delfin Lorenzana.
Samantala, inilunsad din ng NDRRMC ang isang disaster preparedness webinar mula kahapon hanggang ngayon para sa mga Persons With Disabilities, Mangingisad at mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay NDRRMC Executive Director at OCD USec. Ricardo Jalad, layon nito na mabigyan ng tamang edukasyon at impormasyon ang naturang sektor para sa mabilis na pagbangon sakaling masalanta ng sakuna. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)