Mahalaga ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga mag-aaral, guro at mga opisya ng paaralan lalo na sa mga kalamidad tulad ng lindol.
Ito ang inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kasabay ng muling pagbubukas ng klase sa mga paaralan sa Lunes, Hunyo 3.
Ayon kay PHIVOLCS director at DOST Usec. Renato Solidum, abala sila ngayon sa information campaign sa mga paaralan tulad ng pagkakasa ng seminars at tuloy-tuloy na pamamahagi ng pulyetos hinggil sa paghahanda at dapat gawin tuwing may lindol.
Sa katunayan, magkakaroon aniya ng simultaneous nationwide earthquake drill sa Hunyo 20 at inaasahan nilang makikibahagi rito ang lahat ng mga paaralan, ahensya ng pamahalaan gayundin ang pribadong sector.
Maliban dito, sinabi ni Solidum na may ilulunsad din silng bagong web at mobile application na dapat abangan ng publiko na tiyak makatutulong para sa pagmomonitor tuwing may pagyanig.