Hindi natatakot o naduduwag ang Malakanyang sa nakatakdang nationwide transport strike ng mga tsuper at operator ng mga jeepney ngayong araw Setyembre 30.
Sa ipinalabas na pahayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, iginiit nito na matagal nang atrasado ang programa para sa modernisasyon ng public transport system.
Aniya, ang transport modernization program partikular sa mga jeepney ang isa mga malalaking ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte mula nang manungkulan ito.
Dagdag ni Panelo, bagama’t hindi nila pinipigilan ang mga drivers at operators na makibahagi sa malawakang protesta ngayong araw, dapat pa rin aniyang tiyakin ng mga ito na magiging mapayapa ang kanilang pagkilos.
Gayundin ang iwasan ang anumang bayolenteng gawain na maaaring makapaglagay sa publiko sa panganib.
Samantala, inatasan naman ng Malakanyang ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na ihanda ang kani-kanilang joint quick response team on transportation bilang ayuda sa mga pasaherong maaapektuhan ng tigil pasada.