Kasado na ang ikinasang nationwide protest rally ng mga kabataan kaugnay ng paggunita ng bansa sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Alas 10:00 pa lamang ng umaga, magtitipon na ang mga kabataan sa University of the Philippines sa Diliman matapos ang gagawin nilang walk-out sa kanilang mga klase na sasabayan din ng iba pang mga mag-aaral sa iba’t ibang unibersidad.
Susundan naman ito ng pagmamartsa patungo sa makasaysayang Mendiola upang duon ganap na magsagawa ng programa dakong ala 5:00 ng hapon.
Layon ng nasabing kilos protesta na kalampagin ang Administrasyong Duterte na ibigay ng lubos ang libreng edukasyon para sa mga kabataan gayundin ang paghahayag ng pagtutol sa TRAIN Law, bulok na MRT, Jeepney Phaseout at mababang suweldo ng mga manggagawa.
Maliban sa Metro Manila, may mga kaparehong aktibidad din ang isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa tulad sa Pampanga, Bulacan, Baguio, Iloilo, CALABARZON, Tacloban City, Cebu City, Davao City at Northern Mindanao.
May ikinasa ring kilos protesta sa harapan ng CHED o Commission on Higher Education ang Kabataan Partylist para ipanawagan ang IRR o Implementing Rules and Regulations sa Free Tertiary Education Law.
Posted by: Robert Eugenio