Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang natitira pang labi ng mga Filipinong nasawi sa Saudi Arabia dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at iba pang kadahilan sa susunod na linggo.
Batay sa inisyal na impormasyong nakuha ng Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa kanilang tanggapan at Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, nasa 57 mga labi ang nakahanda nang i-repatriate.
Pawang mga nasawi anila ito sa COVID-19 kung saan 30 sa mga ito ang galing Jeddah, 20 sa Riyadh at pito mula sa Al Khobar.
Tiniyak naman ni Labor Secretary Silvestre Bello na kanilang bibigyan ng katulad na grand welcome at memorial ceremonies ang mga iuuwing labi ng mga OFW’s.
Inaasahang darating ang mga ito sa Hulyo 28 sakay ng chartered cargo flight ng Philippine Airlines.
Sa kasalukuyan, nasa 137 labi na mula sa halos 300 mga Filipinong nasawi sa Saudi Arabia ang naiuwi na sa bansa.