Tuluyan nang kinansela ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Philippine National Games (PNG) at Batang Pinoy ngayong taon.
Ayon sa Philippine Sports Commission (PSC), ito’y bunsod ng coronavirus pandemic na naging sanhi rin upang hindi matuloy ang mga sports events.
Bawal pa rin kasi ang mga pampalakasan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ).
Hinikayat naman ni PSC chairman William “Butch” Ramirez ang mga atleta na maging aktibo at positibo habang nag-alok din ito ng libreng sports psychologists para sa mga ito.
Samantala, kinansela na rin ng ASEAN Para Sports Federation ang 10th edition ng ASEAN Para Games na iho-host sana ng Pilipinas sa darating na Oktubre.