Mas marami ang kabutihan o benepisyong maibibigay ng pagpapatupad ng national ID system kaysa sa inaakalang disadvantage nito.
Ito, ayon kay Senator Panfilo Lacson, ang rason bakit lagi siyang nagsusulong ng panukalang batas hinggil sa national ID system.
Giit ni Lacson sa oras na may national ID na, mas magiging mabilis ang pakikipag-transaksyon sa mga negosyo, sa gobyerno maging sa pribadong institusyon tulad ng bangko.
Magiging mas mahusay at mabilis na rin anya ang paghahatid ng social services sa mga tunay na nangangailangan o mga lehitimong benepisyaryo.
Bukod dito, sinabi ni Lacson na mawawala na ang ghost employees sa pamahalaan at mas madali na ang pangongolekta ng buwis.
Ngayong lusot na sa committee level sa Kamara ang national ID system, inihayag ng senador na kanyang ipa-follow kay Senate Justice Committee Chairman Dick Gordon kung kailan ito magpapatawag ng public hearing sa naturang bill.
By Drew Nacino |With Report from Cely Bueno