Dapat bumuo na ng national vaccination program laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) para malaman kung papaano gagawing available, abot-kaya at accessible sa bawat Pilipino sa sandaling available na sa merkado ang bakuna.
Ito ang hamon ni Senador Christopher “Bong” Go kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. matapos itong italaga ni pangulong Rodrigo Duterte bilang vaccine czar.
Ayon kay go, chairman ng senate committee on health, dapat magkaroon ang gobyerno ng plano kung saan pantay-pantay at hindi lang mga may kaya sa buhay ang makakakuha ng bakuna kontra COVID-19.
Makatutulong din anya ang koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno sa on-going clinical trials ng mga bakuna para tiyakin na hindi mamadaliin ang pagbili ng bakuna at prayoridad ang bisa ng vaccine.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), P10-bilyon ang inilaang standby fund para sa testing and procurement ng COVID-19 vaccines.
Sa utos ng pangulo, prayoridad sa bibigyan ng bakuna ang mga mahihirap, health workers at frontliners. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)