Pinalagan ni Outgoing Navotas City Mayor at Navotas City Lone District Representative-Elect Toby Tiangco ang pagkakadawit niya sa listahan ng mga opisyal ng gobyerno na protektor umano ng agricultural smuggling sa bansa.
Naniniwala si Tiangco na sinadyang kaladkarin ang kanyang pangalan sa report ng Senate Committee of the Whole para hindi niya mahuli ang mga totoong smuggler sa Department of Agriculture (DA).
Ayon sa alkalde, dalawa sa apat na kaso ng smuggling sa buong bansa ang isinampa mismo ng Navotas LGU sa Department of Justice mula noong 2016 hanggang 2021 dahil sa nakitang probable cause o sapat na dahilan para i-akyat ang mga ito sa korte.
Hindi anya katanggap-tanggap na mapabilang sa listahan ng mga government official na protektor umano ng smuggling sa DA para magkaroon ng food crisis sa bansa.
Iginiit ni Tiangco na hindi niya gagamitin ang relasyon niya kina President-Elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Junior at Leyte Rep. Martin Romualdez upang makalusot sa walang basehang akusasyon laban sa kanya.
Ang asawa ni Tiangco, na si Michelle Romuáldez-Yap ay pinsang-buo nina Marcos, Romualdez.