Gumagamit na rin ang Navotas ng police software para sa contact tracing sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang police software na ginagamit ng Philippine National Police (PNP) sa pagtunton ng mga kriminal ay nauna nang ginamit ng Baguio City para sa kanilang contact tracing.
Ayon kay Navotas Mayor Toby Tiangco, patuloy ang pagpapalawak nila sa mass testing bilang bahagi ng paghahanda, sakaling ilagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila sa June 1.
Tinanggalan muna anya nila ng quarantine pass ang lahat ng isinalang sa mass testing upang matiyak na hindi muna sila lalabas ng komunidad.
Ipinahiwatig ni Tiangco na mas mahirap magpatupad ng GCQ dahil mas darami ang taong puwedeng lumabas gayung hindi naman nadaragdagan ang mga enforcers.