Binaliktad ng Supreme Court (SC) ang naging hatol ng Court Of Appeals (CA) na pumapabor sa ginawang pagsibak ng Ombudsman sa mga aktibong opisyal ng Philippine Navy dahil sa umano’y pagpatay kay Ensign Philip Andrew Pestaño noong 1995.
Batay sa ruling ng mataas na hukuman, pinagbigyan nito ang petisyon nina Naval Captain Ricardo Ordoñez, Commander Reynaldo Lopez, Leutenant Commander Luidegar Casis at iba pa.
Ayon sa mga mahistrado, hindi matibay ang naging basehan ng Ombudsman sa ginawa nitong pagsibak sa mga navy officials habang nalabag din umano ang karapatan nila sa due process.
Magugunitang sinibak ang mga navy officers dahil sa kasong Grave Misconduct na nag-ugat sa reklamo ng mag-asawang Felipe at Evelyn Pestaño matapos umanong magsabwatan ang mga ito sa pagkamatay ng kanilang anak.
Bukod dito, binanggit din ng mga mahistrado na hindi rin naging malinaw sa desisyon ng Ombudsman kung anong batas ang pinagbatayan nito sa ginawang pagsibak sa mga naturang opisyal ng Philippine Navy. —ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)