Nais matiyak ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hindi ipapasa ng Transport Network Company na Uber Philippines sa kanilang mga mananakay ang tinatayang nasa kalahating bilyong pisong nawala sa kanilang kinita.
Ito ay matapos masuspinde ng 15 araw ang kanilang operasyon at pagbabayad ng isang daan at siyamnapung milyong pisong (P190-M) multa.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, may kakayanan ang Uber na mamanipula ang kalkulasyon ng kanilang application tulad ng paglalagay ng price surge at posibleng dito bawiin ang nawala sa kanilang kita.
Umaasa rin si Lizada na magiging pantay ang magiging pagtrato at paniningil ng Uber sa kanilang mga pasahero.
Matatandaang kahapon ay binawi na ng LTFRB ang suspensyon na ipinataw sa Uber matapos na makapagbayad na ito ng multa.