Tinatayang nasa P23,000 ang average ng nawalang kita ng kada manggagawang Filipino noong 2020 dahil sa epekto ng ipinatupad na lockdown at restrictions.
Batay ito sa ipinalabas na ulat ng National Economic Authority (NEDA) kung saan umaabot sa P1.4 trilyong ang kabuuang lugi ng mga pamilyang Filipino noong nakaraang taon.
Ayon kay acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, katumbas ito ng P2.8 bilyong nawalang kita kada araw.
Ani Chua, posibleng mas malaki pa ang nawalang kita o lugi ng mga manggawa mula sa mga sektor at trabaho na pinakamatinding naapektuhan ng pandemiya at mga nawalan mismo ng hanapbuhay.
Dahil dito, sinabi ni Chua, na hindi na kakayanin pa ng bansa ang magpatupad muli ng mahabang quarantine at sa halip ay gawin na lamang itong localized.
Sa kabila naman nito, positibo si Chua na makakabawi na ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon kasunod na rin ng unti-unting pagbubukas ng mga negosyo, panunumbalik ng ekonomiya gayundin ang inaasahang pagdating na ng bakuna kontra COVID-19.