Natagpuan nang walang buhay ang nawawalang kasamahan nang napatay na si Carl Angelo Arnaiz.
Ang labi ng 14 taong gulang na si Reynaldo de Guzman alyas Kulot ay natagpuan sa Gapan, Nueva Ecija.
Ayon sa mga otoridad, tatlumpung (30) saksak ang natamo ni De Guzman sa buong katawan nito.
Si De Guzman ay ang sinasabing nakitang huling nakasama ni Carl noong araw na napatay ang 19 taong gulang na binata sa Cainta Rizal.
Ang bangkay ng 14 taong gulang ay isasailalim sa otopsiya sa Gapan.
Ang labi ni Carl ay nakita sa isang morgue sa Caloocan sampung araw matapos itong mawala.
Habang lumitaw naman ang bangkay ni alyas Kulot sa Gapan, Nueva Ecija, siyam na araw matapos na matagpuan ang malamig na bangkay ni Carl.
Samantala, inatasan na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI o National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pagkamatay ng menor de edad na si Reynaldo de Guzman.
Dagdag pa ng kalihim, maaaring kasuhan ng NBI ang sinumang mapapatunayang may kamay sa pagkakamatay ni De Guzman.