Bangkay na nang matagpuan sa Matnog, Sorsogon ang isang mangingisdang taga-Catanduanes na nawawala simula pa noong Lunes, Disyembre 26.
Kinilala ang mangingisdang si Noel Zafe, 58 anyos, na narekober sa baybayin ng Barangay Paghuliran dakong alas-12:00 ng tanghali kahapon.
Ayon kay Mark Joseph Matira, Head of Operations ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Virac, isa si Zafe sa limang mangingisda na hindi na nakauwi noong bisperas ng pasko.
Maliban dito, nakita na rin anya ang bangkay ng isa pang mangingisdang si Arnel Araojo, 43 anyos sa baybayin ng Barangay Calanaga sa Rapu-Rapu, Albay.
Samantala, nagpapatuloy ang paghahanap sa tatlo pang kasamahan ni Zafe na sina Dante David, 41 anyos; Domingo Borilla Junior, 33 anyos at Jason Mandasoc, 31 anyos.
Bukod dito, pinaghahanap pa rin ang iba pang mangingisda mula naman sa bayan ng Viga, Catanduanes na Sinaringo Tupig, Willy Uchi, Jobert Teaño at Juanito Estrella Junior.
Disyembre 21 nang mangisda ang mga biktima sakay ng motorized banca at inaasahan sanang uuwi noong 23 pero hindi na nagawang makabalik pa.