Inaasahang darating na sa bansa sa August 19 si NBA 6th Man of the Year Utah Jazz fil-am guard Jordan Clarkson upang sumali at sumabak na sa ginagawang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa nalalapit na fourth window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa huling bahagi ng kasalukuyang buwan.
Ito ang kinumpirma ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio.
Matatandaan na kasama si Clarkson sa final lineup ng Gilas pool na sasabak ngayong buwan sa FIBA Asian Qualifiers.
Makaksama ng Utah Jazz star sina Thirdy at Kiefer Ravena, Dwight Ramos, Bobby Ray Parks, Carl Tamayo, Kevin Quiambao, at Francis Lopez.
Samantala, unang darating sa Pilipinas si Adelaide 36ers Center Kai Sotto, na inaasahang magbabalik bansa sa August 18, isang araw bago ang pagdating ni Clarkson.
Iaanunsyo naman sa pagtatapos ng 2022 PBA Philippine Cup semifinals ang karagdagang PBA players na kukumpleto sa Gilas pool.
Lilipad patungong Beirut sa August 25 ang Philippine Team upang harapin ang Lebanon at agad na babalik ng bansa para naman sa Gilas Pilipinas-Saudi Arabia face off na gaganapin sa August 29, sa MOA Arena.