Karamihan sa mga koponan sa NBA ang nanawagan sa pamunuan ng nabanggit na US basketball league na ipagpaliban muna ang nakatakdang 2020 draft sa darating na Hunyo 25.
Batay sa ulat ng ESPN, iginiit ng mga NBA teams na limitado lamang ang kanilang abilidad para makakalap ng impormasyon sa kanilang mga prospect na manlalaro dahil na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at kautusan na manatili lamang sa mga tahanan.
Dahil dito, hiniling ng mga koponan na i-usog ang petsa ng NBA draft sa buwan ng Agosto.
Sa ganitong paraan anila, mas magkakaroon ng dagdag na panahon ang NBA ara makumpleto ang pre-draft process tulad ng mga interviews, medical exam at in-person workout.
Una na ring nahinto ang regular season ng NBA noong Marso 11 matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isa sa kanilang mga manlalaro.