Bukas ay siguradong nakatutok sa mga telebisyon o anumang media gadgets ang mga basketball fanatics dahil magsisimula na ang National Basketball Association (NBA) Finals para sa taong 2014-2015.
At ang maghaharap na mga koponan ay ang kampeon mula sa Western Conference na Golden State Warriors at kampeon mula sa Eastern Conference na Cleveland Cavaliers.
Ang bawat koponan na ito ay may kanya-kanyang kasaysayan kung paguusapan ang kanilang pagpasok sa NBA Finals kung kaya’t maituturing na “a must win” itong seryeng ito.
Ang mga Warriors, na pinangunahan ngayon ni Stephen Curry na Most Valuable Player (MVP) ngayong season, ay gutom na makopo ang kampeonato dahil apatnapung taon nila itong hinintay bago muli silang makapasok sa Finals.
Huling malasap ng Warriors ang kampeonato ay noong 1974-1975 NBA Finals kung saan wanalis nila ang serye (4-0) kontra sa Washington Bullets.
Sa panig naman ng Cleveland Cavaliers na tinitimon ni 4-time MVP Lebron James ay hindi naman ganun katagal nilang inantay ang muling makapasok sa Finals dahil noong 2006-2007 ay sinubukan nilang mag-champion kontra sa mga beteranong San Antonio Spurs, yun nga lang sila’y kinapos at winalis sila ng Spurs (4-0).
Kaya naman bibihirang pagkakataon ito para sa dalawang koponan na makuha ang Larry O’Brien Finals Championship Trophy.
Siguro ang tanong, ano ang susi para magwagi sila sa labang ito?
Bukod sa parehong mga bagito ang mga coaches ng dalawang team, si Steve Kerr para sa Warriors at David Blatt sa Cavaliers, ika nga ito ang kanilang make or break chance, upang makilalang Best Coach of the Year, nakasalalay pa rin ang laro sa mga manlalaro.
Pero, naniniwala pa rin ako sa key to success ay ang “team work”, ibig sabihin ang tagumpay ng lahat ay nakasalalay sa output ng bawat miyembro ng team, hindi lamang sa opensa, bagkus mahalaga ang ilalatag nilang depensa.
Alalahanin natin na ang Cavs ay koponan na matindi sa depensa at kilalang may mga NBA Finals experience, dulot ng ginawa nilang pagpapalakas sa kanilang roster at ang Warriors ay kilala sa opensa, at kapag pumuntok ang outside shots ng binansagang “splash brothers” na sina Curry at Klay Thompson ito marahil ang dapat tugunan ng Cavs.
Kayo, sino sa tingin niyo ang unang magwawagi sa Game 1 ng Cavs at Warriors?
At ano ang forecast niyo, Warriors in 6 o Cavs in 4?