Ipinalilipat na ng Department of Justice o DOJ sa ibang unit ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang ahente nito na nag-timbre umano kay Charlie “Atong” Ang ng sinasabing tangkang pagpapapatay dito nina Secretary Vitaliano Aguirre at National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Ayon kay Aguirre, layunin nito na maiwasang maimpluwensyahan ng mga NBI agent na sinasabing protektor ng gambling tycoon ang kalalabasan ng imbestigasyon.
Mayroon pa anyang apat o higit pang NBI Agents ang posibleng may koneksyon kay Ang.
Dagdag pa ng kalihim, mayroon ng isinasagawang case-buildup laban kay Ang bukod pa ang gagawing imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa mga posibleng tax evasion case ng kumpanyang Meridien Vista Gaming Corporation ng negosyante.
Hirit ni Trillanes na paimbestigahan sa senado ang mga paratang ni Atong Ang welcome kay Aguirre
Welcome para kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang hirit ni Senador Antonio Trillanes na paimbestigahan sa senado ang mga paratang ng big time gambling operator na si Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay Aguirre, walang problema sa kanya kung imbestigahan sa senado ang akusasyon ni Ang dahil nauna naman niyang ipag-utos sa National Bureau of Investigation na siyasatin ang mga paratang ng negosyante.
Pinayuhan pa ng kalihim si Ang na kung duda ito sa integridad ng NBI dahil attached agency ito ng DOJ, maari naman siyang dumulog sa ahensya ng pulisya gaya ng PNP-CIDG at magdala ng testigo o ebidensya upang patotohanan ang kanyang bintang.
Nauna nang inakusahan ni Ang sina Aguirre at National Security Adviser Hermogenes Esperon na nais umano siyang ipapatay para ma-control ang operasyon ng Small-Town Lottery o STL sa ilang lalawigan na itinanggi naman ng kalihim.
By Drew Nacino |With Report from Bert Mozo