Ipinag-utos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa Bureau of Immigration (BI) na imbestigahan ang ilang indibidwal na dawit sa Wirecard scandal na umano’y nag resulta sa pagkawala ng €1.9-bilyon katumbas ng $2.1-bilyon o mahigit P1.7-trilyon.
Sinabi ni Guevarra na pinakilos na rin niya ang National Bureau of Investigation (NBI) para makipag-ugnayan sa Anti-Money Laundering Council para malaman ang posibilidad ng money laundering sa naturang usapin.
Subalit ibinunyag ni Guevarra ang nadiskubre nila aniyang kakaiba sa BI data base na kailangan pa rin naman nilang busisiin pa.
Batay naman sa record ng BI, dumating sa bansa si Jan Marsalek, chief operating officer ng Wirecard, noong ika-3 ng Marso subalit umalis din ng ika-5 ng Marso bagamat may indikasyong posibleng bumalik ito sa bansa at naririto pa sa Pilipinas sa ngayon.
Lunes nang itanggi ng Wirecard, isang German payment processor, na chief operating officer (COO) nila si Marsalek matapos lumutang ang usaping may nawawalang $2-bilyon sa kanilang balanced sheet na hindi naman umano talaga nag-eexist.
Pineke naman umano ng ilang bangko sa Pilipinas kabilang ang Bank of the Philippine Islands (BPI) at BDO ang mga dokumento kaugnay sa transaksyon upang palabasing hawak nila ang nawawalang pera.
Una nang inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nawawalang pera na umano’y idineposito sa dalawang bangko ay hindi nakapasok sa local financial system ng bansa.