Hinamon ni Philippine National Police Anti – Kidnapping Group (PNP – AKG) Chief, Senior Superintendent Glenn Dumlao ang National Bureau of Investigation o NBI na patunayang inosente ang kanilang mga ahente sa Pampanga.
Kasunod ito ng ginawang pagtatanggol ng NBI sa kanilang mga tauhan kaugnay sa naging pahayag ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na sangkot ang tatlong NBI agents sa pagdukot sa Koreanong si Lee Jung Dae noong Nobyembre 24, 2017 sa Angeles City, Pampanga.
Giit ni Dumlao, dapat ay makipagtulungan na lamang ang NBI sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa halip na magsampa ang mga ito ng kaso laban sa PNP.
Nauna rito, sinabi ng NBI na plano nilang sampahan ng kaso ang PNP hinggil sa ginagawang pagdiin ng mga ito sa ilan nilang ahente sa kidnapping cases kabilang na ang kaso ng koreanong si Jee Ick Joo.