Hinimok ng mga mambabatas ang National Bureau of Investigation na i-review ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang ilang mga senador upang magkaroon pa ng mas maraming pwesto sa Senado.
Ayon kay Lanao Del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, marapat lamang na imbestigahan din ng NBI ang sinabi ng dating pangulo kagaya ng pag-iimbestiga nito sa bantang pagpatay ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyang-diin naman ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na pareho ang ugali ng mag-amang Duterte at dapat aniyang makasuhan si dating Pangulong Duterte dahil sa pananakot.
Nauna nang nagsampa ng kasong “inciting to sedition” At “grave threat” ang NBI laban kay Vice President Duterte dahil sa sinasabing assassination plot laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez. – Sa panulat ni John Riz Calata