Patuloy na nakikipag-ugnayan ang NBI o National Bureau of Investigation sa AMLC o Anti-Money Laundering Council.
Kaugnay ito sa naging pagbubunyag ni Ginang Patricia Paz Bautista laban sa kaniyang mister na si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista.
Ayon kay Vicente De Guzman III, deputy director for intelligence services ng NBI, kailangan nilang maging maingat sa pag-iimbestiga upang hindi makompromiso ang magiging resulta ng imbestigasyon.
Kaya naman umapela si De Guzman ng karagdagang panahon upang mapag-aralang mabuti ang mga inilahad na dokumento sa kanila ni Ginang Bautista.
Nag-ugat ang nasabing imbestigasyon makaraang isiwalat ni Ginang Bautista ang halos isang bilyong pisong tagong yaman umano ng kaniyang asawa.
Una rito, tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kanilang gagamitin bilang ebidensya ang mga dokumentong isinumite sa kanila ni Ginang Bautista.
Special task group ng BIR binuo vs Chairman Bautista
Sinisilip na rin ng BIR o Bureau of Internal Revenue ang mga tax records ni COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ito’y ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraang atasan nito ang BIR na bumuo ng special team para sa nasabing usapin.
Maliban sa poll chief, sinabi ni Aguirre na kanila ring iimbestigahan ang asawa ni Chairman Bautista na si Patricia Paz gayundin ang iba pang naka-transaksyon nito bago pa maupo sa COMELEC.
Partikular na sisilipin ng special team ang mga bank deposits at iba pang assets ni Chairman Bautista na hindi idineklara sa kaniyang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth.