Inatasan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI o National Bureau of Investigation na mag-imbestiga at sampahan ng kaso ang mga sangkot sa pagkamatay ng UST Civil Law Freshman na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Ayon kay Aguirre, walang lugar sa isang sibilisadong lipunan ang pagpatay at pananakit dulot ng hazing.
Iginiit din ni Aguirre na hindi katanggap-tanggap na kapalit ng pagtanggap sa isang itinuturing na kapatiran ang walang kabuluhang pagkamatay.
Kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Castillo, tiniyak ni Aguirre na kanilang gagawin ang lahat para panagutin ang mga responsable sa pagkamatay nito.
Dean ng UST College of Law dumistansya sa Aegis Juris Fraternity
Nilinaw ni University of Santo Tomas Faculty of Civil Law Dean Atty. Nilo Divina na hindi na siya aktibong miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Ayon kay Divina, matagal na siyang naka-leave bilang miyembro sa nasabing fraternity simula nang umupo siya bilang dean ng UST Faculty of Civil Law.
Tiniyak din ni Divina ang agarang pagsasagawa ng imbestigasyon para matukoy ang mga dapat managot sa pagkamatay ng freshman Law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Una na ring ipinag-utos ni Divina ang suspensiyon sa lahat ng opisyal at miyembro ng Aegis Juris Fraternity epektibo kahapon.
Batay sa memomurandum, hindi muna papayagang pumasok sa campus o sa Faculty of Civil Law at dumalo sa kanilang klase ang mga opisyal at miyembro ng nasabing fraternity hangga’t walang ibinibigay na permiso sa mga ito.
Kabilang naman sa mga miyemro ng Aegis Juris Fraternity ang 2 faculty ng UST Civil Law na sina Atty. Arthur Capili at Irvin Joseph Fabella, gayundin ang isang associate justice ng court of appeals na si Justice Gabriel Robeniol.
—-