Pasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisiyasat sa sinasabing Red October o ang planong pagpapatalsik umano sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagsasagawa na ng fact finding investigation ang NBI sa nakuhang impormasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa umano’y pagsasabwatan ng komunistang grupo, oposisyon at ilang mga sundalo para mapatalsik ang Pangulo.
Partikular aniyang titignan ng NBI ay kung may katotohanan ang naturang report at matukoy ang mga personalidad na nasa likod nito.
Sinabi ni Guevarra, sakaling mapatunayang may katotohan ang report, maaaring maharap sa kasong sedisyon at kudeta ang mga taong nasa likod nito.
AFP-PNP magpupulong
Nakatakdang magpulong sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Carlito Galvez at Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.
Ayon kay Albayalde, partikular na kanilang pag-uusapan ni Galvez ang umano’y Red October o planong pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pangunguna ng mga komunista.
Aniya, kanila nang paplantsahin ang mga ilalatag na seguridad laban sa umano’y banta ng komunistang grupo na pabagsakin ang administrasyong Duterte.
Kasabay nito, tiniyak ni Albayalde na walang pulis ang sumusuporta sa Red October at wala rin aniyang mga retiradong pulis na nagbibigay ng suporta rito.
—-