Naberipika na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang palitan ng mga text messages sa pagitan ng isang Bureau of Correction (BuCor) personnel at ng isang asawa ng inmate na biktima umano ng ‘GCTA for sale’ sa New Biliibid Prison.
Iprinisinta ni NBI director Dante Gierran ang ulat ng forensic examination ng mga mobile phones nina BuCor Senior Insp. Ma Benilda Bansil at BuCor Officer 3 Veronica Buño sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y korupsiyon sa BuCor.
Ayon kay Gierran, lumitaw sa resulta ng pagsusuri na noong February 21, 2019 ay nakatanggap ng text messages si Yolanda Camilon, asawa ng isang inmate, mula kay Bansil at Buño hinggil sa isang transaksiyon.
Our application for warrant-less disclosure was approved by the court and we are now allowed by law to open the cellphone of two of the three and it appears there were communication between and among the three of them, ani Gierran.
Wala naman aniya silang napigang tala ng tawag mula sa cellphone ni Buño dahil ito ay protektado ng password.
Dahil dito, paulit-ulit na idinidiin ni Senador Dick Gordon si Buño sa katanungan kung siya ba ay nakikipag-usap kay Camilon ngunit patuloy itong itinatanggi ni Buño.
Bagaman inamin ni Buño na nagte-text siya kay Camilon ay iginigiit niya na hindi ito nakikipag-usap sa kanya at hindi niya personal na kilala si Camilon.
Kasunod nito ay pinahintulutan ni Gordon ang NBI na mayroong nakahandang ‘warrant for examination of data from a court’ para ipagpatuloy ang pagsasagawa ng forensic examination sa cellphone ni Buño.
NBI, ipirinisinta ang court order kay Buno upang maimbestigahan ang kanyang cellphone.
Hawak na ngayon ng NBI ang cellphone ni Buno, sinabi na rin nito ang kanyang password. pic.twitter.com/343IozrLI5
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 19, 2019
Pinayuhan din ni Gordon si Buño na magsabi na ng katotohanan bago pa man lumabas ang resulta ng forensic examination kung saan lalabas din aniya kung ano ang tunay na laman ng kanyang cellphone.
Hindi naman tumugon si Buño at nanghingi ng ‘break’ upang kumausap ng isang abogado.