Bubuksan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang mga tanggapan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula bukas, Mayo 18.
Ito ay para sa pagproseso at pagkuha ng NBI clearance.
Ayon sa NBI, mahigpit nilang ipatutupad ang ilang mga patakaran alinsunod na rin sa kautusan ng inter-agency task force on emerging infectious diseases.
Anila, kinakailangang nakarehistro at nakapagbayad na online ang mga aplikante bago magtungo sa NBI clearance center na nasa mga gcq areas sa kanilang itinakdang appointment date.
Hindi rin papayagan ang pagkakaroon ng kasama o escort sa pagkuha ng clearance.
Dagdag ng NBI, mahigpit ding susundin ang physical o social distancing at mandatory na pagsusuot ng face mask.
Mananatili namang suspendido ang pagproseso ng mga nbi clearance sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine (MECQ) tulad ng Metro Manila.