Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa paggamit ng smart phone application na FaceApp kung saan maaaring palitan ang kasarian ng larawan ng gumagamit nito.
Sa panayam ng DWIZ kay NBI Cyber Crime Division Chief Victor Lorenzo, sinabi nito na may kakayahan ang nabanggit na phone application na i-access ang impormasyon ng gumagamit nito.
Paliwanag ni Lorenzo, kabilang sa maaaring ma-access o makuha ng app ang ilang sensitibong larawan na naka-save sa cellphone ng nagmamay-ari at maging ang lokasyon kung naka-bukas naman ang GPS.
Sinabi ni Lorenzo, magiging mapanganib ito dahil maaari nang magamit ang mga makukuhang impormasyon para sa advertising o maging sa paniktik.
Kaugnay nito, pinapayuhan ni Lorenzo ang publiko na maging maingat sa paggamit ng FaceApp at kung maaari ay iwasan na lamang ang pagdownload nito.