Pinagpapaliwanag ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 ang National Bureau of Investigation o NBI kung bakit hindi nila inilipat sa Manila City Jail ang customs fixer na si Mark Taguba.
Batay sa showcase order na ipinadala ni Judge Reinelda Estacio – Montesa kay NBI Custodial Center Chief Menardo Cariaga, dapat ipaliwanag nito kung bakit hindi sila dapat i-cite for contempt dahil sa pagsuway sa utos ng hukuman.
Magugunitang ipinag-utos ni Montesa noong Pebrero 2 ang paglipat kay Taguba sa Manila City Jail, makaraang ibasura nito ang mosyon ng akusado na manatili sa kustodiya ng NBI dahil sa kawalan ng merito.
Bagamat mayroon pang apela ang kampo ni Taguba, hindi na binago ni Judge Montesa ang pagpapalipat kay Taguba na siyang pangunahing sangkot sa pagpasok ng mahigit anim na bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.
Kahapon, Pebrero 9, ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court sa 23 ng buwang ito ang pagbasa ng sakdal kay Taguba makaraang pagbigyan ng Korte ang inihaing motion to defer arraignment nito.