Pormal nang naghain ng reklamo sa Department of Justice o DOJ ang National Bureau of Investigation o NBI laban sa 21 opisyal at empleyado ng Philhealth.
Ito ay kaugnay sa maanomalyang mga claims sa dialysis ng mga pasyente ng Wellmed Dialysis Center.
Ayon kay NBI Dir. Dante Gierran, batay sa resulta ng imbestigasyon na ginawa ng NBI Anti-Graft Division, lumabas na may paglabag ang mga akusado sa Anti-Graft and Corrupt Practices, National Health Insurance Act o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ani Gierran, nakita rin na bigo ang Philhealth Regional Office ng National Capital Region o PRO-NCR na magsagawa ng performance check sa bawat health care institution gaya ng Wellmed.
Lumabas din umano ang sabwatan sa pagitan ng PRO-NCR at Wellmed.
Nabatid na inaalam pa ng NBI kung may iba pang HCI na sangkot sa isyu bukod sa Wellmed.