Tinapos na ng National Bureau of Investigation ang imbestigasyon kaugnay sa naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Department of Justice ang inisyal na imbestigasyon ng NBI.
Paliwanag pa ni Fadullon na nakadepende sa magiging resulta ng evaluation kung magsasampa ng kaso laban sa bise presidente o ibalik sa NBI ang mga impormasyon para palakasin ang kaso upang hindi ibasura ng korte.
Patuloy naman ang pagtutulungan ng DOJ at NBI para maresolba ang naturang usapin.
Para naman kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, ang isinasagawang ebalwasyon sa inisyal na imbestigasyon ng NBI ay bahagi ng case build up.