Tinututukan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang trabaho ni retired Court of Appeals Justice Normandie Pizarro bilang motibo sa pagpatay dito.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI kung saan tinitignan ang lahat ng posibleng anggulo sa krimen.
Aniya, kabilang sa mga hinawakan at ibinasura ni Pizarro ang mga kaso isinampa laban kina Pork Barrel Scam Queen Janet Lim Napoles at dating Palawan Governor Joel Reyes.
Samantala, sinabi ni Guevarra na bagama’t masyado pang maaga para sabihin, mataas aniya ang posibilidad na maituturing ang kaso bilang abduction o pagdukot at murder.
Dagdag pa ni Guevarra, patuloy ding inaalam sa imbestigasyon ang opisyal na dahilan ng pagkamatay ni Pizarro dahil tanging dna report pa lamang ang naipalalabas ng NBI forensic lab.
Oktubre 23 nang huling makita si Pizarro sa pampanga habang Oktubre 30 ng matagpuan ang abandonadong sasakyan nito na mayroong mga bakas ng dugo.
Natagpuan din ang isang bangkay na wala ng mga daliri at putol ang isang kamay na nakumpirma naman ng nbi na kay Pizarro noong Lunes.