Walang nakitang “human intervention” ang National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente ng pagkalas ng isang bagon ng Metro Rail Transit (MRT) line 3 noong nakaraang taon.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, pawang aksidente lamang ang nangyaring pagkalas ng isang bagon ng MRT batay na rin sa resulta ng imbestigasyon ng NBI.
Isinantabi na rin anila ang anggulong dahilan kaya wala ring nasampahan ng kaso sa nasabing insidente.
Magugunitang, Nobyembre ng nakaraang taon nang kumalas ang isang bagon ng tren ng MRT sa bahagi ng Ayala at Buendia Stations kung saan napilitan ang mga mananakay na maglakad sa riles.
Inatasan naman ni Aguirre ang NBI na imbestigahan ang insidente at tutukan ang anggulo ng pananabotahe matapos malamang nawawala ang Messma card o black box.