Ibinunyag ngayon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na may mga nagtangkang suhulan ng isandaang (100) milyong piso ang mga high-profile inmate na nakakulong ngayon sa Kampo Aguinaldo.
Ito ay para bawiin ang kanilang mga testimonya laban kay Senadora Leila de Lima na iniuugnay sa operasyon ng iligal na droga sa Bilibid.
Gayunman, sinabi ni Aguirre na tinanggihan ng mga inmates ang alok na pera na mula umano sa isang senador na hindi na pinangalanan ng kalihim.
Sinabi ni Aguirre na nito lamang umaga ay muli na namang naulit ang panunuhol sa pamamagitan ng inmate at dating pulis na si Clarence Dongail ngunit ito rin ay tinanggihan.
Matatandaang kabilang sa mga nakakulong ngayon sa AFP Custodial Center ang mga convicts na sina Herbert Colanggo, Engelberto Durano, Vicente Sy, Jojo Baligad at Peter Co na nagdiin kay De Lima sa illegal drug trade sa NBP.
By Ralph Obina