Tiniyak ng National Bilibid Prisons (NBP) na wala nang nakakapagpuslit ng gadgets, alak at iba pang ipinababawal na bagay sa loob ng bilangguan.
Binigyang diin ito ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf matapos na mabuko ng National Bureau of Investigation o NBI ang tangkang pagpupuslit ng gadgets at cellphones ng tinaguriang Bilibid 19 sa NBI Detention Facility.
Ayon kay Schwarzcopf, mula nang mahuli mismo ng Department of Justice (DOJ) ang mala-VIP na pamumuhay ng Bilibid 19 sa loob ng NBP ay nagbago na sila ng mga panuntunan lalo na sa pagtanggap ng mga bisita.
Una rito, nakumpiska ng NBI sa Bilibid 19 ang mga cellphones na inilagay sa ilalim ng suwelas ng sapatos sa ilalim ng mga kaldero at iba pa.
Matatandaan na inilipat sa NBI Facility ang 19 na bilanggo ng NBP matapos matuklasan ang marangya nilang pamumuhay sa loob ng NBP kung saan fully-furnished ang kanilang kubol at malaya rin di umanong nakakapagpasok ng illegal na droga.
“Sa pagdadala ng mga gamit ng mga dalaw natin, nilimitahan na po natin sa 3 kilo lang, isa pa po sa mga polisiya na ibinaba natin na only the immediate family ang pinapayagan, although napapayagan yung mga kaibigan pero inilalagay natin sa tamang proseso.” Pahayag ni Schwarzcopf.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit