Nangunguna sa tala ang National Center for Mental Health (NCMH) sa mga ospital na mayroong pinakamaraming bilang ng mga health workers na natatamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mayroon aniyang 65 health workers sa naturang pagamutan ang kumpirmadong dinapuan ng virus.
Batay sa datos ng kagawaran, mula sa nasabing bilang, 36 dito ang kasalukuyang naka-quarantine habang 3 naman dito ang nakarekober na sa sakit.
Bukod pa rito, nakapagtala rin ng mataas na bilang ng mga dinapuan ng virus ang mga health workers ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM); National Kidney Transplant Institute (NKTI), at ilan pang mga ospital sa bansa.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Vergeire na maayos namang naipatutupad ang mga health protocols sa mga nasabing ospital para matiyak ang kaligtasan ng iba pang mga health workers na patuloy na lumalaban sa banta ng COVID-19 pandemic.