Nasa gitna ngayon ng kontrobersya ang National Center for Mental Health (NCMH) matapos ipag-utos ng Department of Health (DOH) ang transfer ng isa sa mga opisyal ng ospital sa ibang ahensya na iniuugnay sa pagbubunyag ng sitwasyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ospital.
Tinawag na harassment ni Clarita Avila, Chief Administrative Officer ng NCMH ang paglipat sa kanya sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Las Pinas City.
March 9 nakapetsa ang transfer order kay Avila subalit hanggang sa ngayon ay sa NCMH pa rin nagrereport ang opisyal.
Ayon kay Avila, idudulog niya sa hukuman ang transfer order sa kanya dahil hindi aniya ito makatarungan at nakabase lamang sa kapritso ni NCMH Director Dr. Roland Cortez matapos niyang ibunyag sa media ang gag order laban sa kanya.
Sinabi ni Avila na pinagbabawalan siya ni Cortez na sabihin sa media ang tunay na sitwasyon sa NCMH hinggil sa infection rate ng COVID-19 sa kanilang psychiatric patients at mga empleyado.
Una nang ibinunyag ni Avila ang kakulangan ng PPE’s sa NCMH at ang bilang ng mga pasyente sa NCMH na namatay dahil sa COVID-19 gayundin ang mga empleyado na itinuturing na suspected at probable carrier ng coronavirus.