Posibleng nagmula sa Pangolin na ilegal na ipinuslit sa China ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD) sa nabanggit na bansa.
Batay ito sa isinagawang pag-aaral ng mga researcher ng South China Agricultural University kung saan kanilang nadiskubre na 99% magkatulad ang genome sequence ng nakitang virus sa Pangolin at sa mga pasyenteng may 2019 nCoV-ARD.
Una nang pinaniniwalaang nagmula ang bagong virus sa mga paniki na ibinebenta sa isang palengke sa Wuhan City.
Gayunman naniniwala ang mga eksperto na mayroong intermediate host ang pagkakalipat ng virus mula sa paniki patungo sa mga tao at ito anila ang Pangolin.
Tiwala naman ang mga eksperto na magiging malaki ang tulong ng bagong nadiskubre para mapigilan ang pagkalat ng 2019 nCoV-ARD.