Pinangangambahang malubog sa baha ang malaking bahagi ng National Capital Region (NCR) maging ang ilang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa 2050.
Ito’y ayon sa pag-aaral ng Climate Central na nailathala sa Nature Communications Journal, kung saan itinuturong dahilan ang climate change.
Sa pamamagitan ng screening tool ng Climate Central, naipakita ang mga lugar sa bansa na nanganganib na malubog sa baha partikular ang coastal cities.
Kabilang sa mga maaapektuhan ng coastal flooding ay ang Maynila, Navotas, Malabon, at Pasay.
Sa Central Luzon naman ay ang Bulacan habang sa Visayas ay ang Kalibo, Aklan at Roxas City sa Capiz.
Sa bahagi naman ng Mindanao ay ang Cotabato City, Datu Piang, at Northern Kabuntan sa Maguindanao.