Nagbabala ang Department of Health (DOH) na hindi dapat maging kampante ang mga taga-National Capital Region (NCR) kahit mas mababa ang naitalang mga kaso ng dengue rito kumpara sa ibang rehiyon.
Ayon kay Asst. Dir. ng DOH-NCR Maria Paz Corales, nalampasan ng NCR noong dulo ng Hulyo ang alert threshold ng mga kaso ng dengue.
Sa pinakahuling tala noong Agosto 3, nasa 10, 349 na ang kaso ng dengue sa NCR kung saan 45 na ang namatay.
Quezon City, Maynila at Caloocan ang mga lungsod na may pinakamaraming kaso.
Nalagpasan naman ng Taguig City ang epidemic threshold habang lumagpas na sa alert threshold ang Muntinlupa City.
Pang-pito ang NCR sa rehiyon na may pinakamaraming kaso ng dengue.