Magiging priority ang National Capital Region (NCR) o Metro Manila sa isasagawang mass testing kaugnay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon ito kay Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez, Jr. Chief Implementer ng national policy laban sa COVID-19 matapos niyang makausap si Health Secretary Francisco Duque III dahil NCR ang epicenter ng nasabing virus.
Ang sumunod na apektado aniya ng COVID-19 ay Region 4, Region 3 bago ang Davao Region at Zamboanga Region.
Sinabi ni Galvez na ang kabuuang bilang ng mga persons under investigation (PUI) na kailangang isalang sa COVID-19 test ay nasa mahigit 13,000 na aniya’y kakayaning i-test dahil sa halos 90,000 available test kits na.