Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng HIV-AIDS ay mula sa National Capital Region (NCR) kung saan kabilang ang Metro Manila, pangalawa lamang ang CALABARZON at ikatlo ang Davao at Central Luzon.
Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy sa programang Ratsada.
Ayon kay Lee Suy bunga ng kampanya ng DOH na magpa-examine ang mga taong at risk sa nasabing sakit ang pagtaas ng bilang ng mga naitatalang may HIV-AIDS kung saan mas mataas ito ng 56% kumpara sa datos noong nakaraang taon.
“Dala ito ng ating kampanya na mag-encourage sa mga taong at risk na magpa-exam so habang dumadami ang nagpapa-exam, asahan natin na nagdadagdag talaga ng bilang ang mga kaso ng HIV, dahil gusto nating lumantad sila.” Pahayag ni Lee Suy.
Una rito naitala ang mahigit 50 porsyentong pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS noong Hunyo kumpara sa kaparehong buwan noong isang taon.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang 56 na porsyentong pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS ay katumbas ng 772 bagong kaso ng nasabing sakit na ikinasawi na ng 62 katao.
Ang mga ito ay na-diagnosed mula Mayo 21 hanggang Hunyo 22.
Sinasabing 95.46% ng kaso ng HIV-AIDS ay nakuha ng mga biktimang lalaki sa pakikipagtalik sa kapwa nila lalaki.
DOH: “Huwag matakot lumantad para mabigyan ng gabay”
Asahan na ang paglobo pa ng bilang ng kaso ng HIV-AIDS sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, Spokesman ng Department of Health (DOH), target talaga ng DOH na mapalantad ang lahat ng posibleng may HIV-AIDS sa bansa nang ilunsad nila ang libreng HIV-AIDS testing.
Sinabi ni Lee Suy na base sa mga nakaraang datos, hindi na lamang ang pagtatalik ng lalake sa lalake ang dapat tutukan kundi ang lahat ng klase ng kaswal na pakikipagtalik ng walang proteksyon.
Kaugalian na aniya ang problema sa paglobo ng kaso ng HIV-AIDS kaya’t mahalagang mapalantad sila at mabigyan ng tamang gabay.
Base sa datos ng DOH, nito lamang buwan ng Hunyo ay nakapagtala sila ng 722 kaso ng HIV-AIDS, pinakamataas na bilang sa loob lamang ng isang buwan mula noong 1984.
“I-expect na natin na may maraming lalabas, siguro ang apela natin ay huwag matakot, huwag mag-isip na baka ma-stigmatize sila, o ma-branded silang ganito, ganoon, walang makakaalam na may HIV ka, we will treat it with confidentiality, ang importante lumantad ka, mabigyan ka ng gabay kung ano ang mga dapat mong gawin nang sagayon maprotektahan ka kasama ang iyong pamilya.” Pahayag ni Lee Suy.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Judith Larino | Len Aguirre